Sa mga panahon na ang yakap mo ang siyang naging kumot sa malaming na gabi. Sa mga panahon na ang tinig mo ang siyang naging musika sa aking tenga. Sa mga panahon na ang ngiti mo ang siyang bumuo sa aking araw. Ito ang mga panahon na aking pinag-iingatan, pinagpapahalagahan at pinakakatago. Ito ang mga panahon na aking binaon sa baol ng alaala.
Alaala. Ito na lamang ang iyong habilin sa ating matamis na kahapon. Alaala ng bawat saya, ng bawat lungkot, ng bawat sakit na iyong dinala sa buhay ko. Alaala na lamang ang mga matatamis na mensahe sa umaga, ang mga masasayang agahan, ang mga tanghalian na kung saan ang maalat na adobong iyong niluto ay buong sarap kong kakainin, ang mga hapunan na sinusubukan kong abutan at ang mga gabi na ang iyong mukha ang huli kong nasisilayan.
Alaala nalang ang lahat ng pangarap na nabuo sa apat na pader ng isang kanlungan. Lahat ng pangako ay naguho kasama ng paguho ng iyong pag-ibig. Sa buhos ng ulan, sa dilim ng gabi kung saan binalot kita ng yakap hawak-hawak ang isang maliit na kahon na laman ang patunay ng aking pag-ibig, bigla ka nalang kumawala sa aking yakap. Tiningnan mo ko, tiningnan mo ang buong pagkatao ko at sa bawat bigkas ng mga salita na lumalabas sa iyong bibig ay siya ring bawat tulo ng luha na lumalabas sa aking mata. Tiningnan mo ko, tiningnan mo ang buong pagkatao ko ngunit pinili mo parin akong saktan at sa bawat bigkas ng mga salita na lumalabas sa iyong bibig ay unti-unti mo kong binasag.
Binalot kita ng yakap ngunit bigla ka nalang kumawala sa aking yapos_sa aking pagmamahal.
Inakala kong ikaw na ang aking 'hanggang sa walang hanggang', inakala kong habambuhay na kitang mahahagkan, inakala kong aabot tayo sa punto na puputi ang buhok, kukulubot ang balat, hihina ang tuhod ngunit buo parin ang pagmamahal sa isa't isa. Inakala ko na ang 'tayo' ay walang katapusan ngunit pinili mong bitawan ang 'ako' at lumakbay ang 'ikaw'. Pinili mo akong saktan, pinili mo kong pakawalan. Nais kitang ipaglaban, nais kong ipaglaban ang 'tayo' ngunit magmumukha lamang akong tanga kung ipaglalaban ko ang 'tayo' na ikaw mismo ang unang bumitaw. Pero teka, kaya kong maging tanga, kaya kong magpakatanga sayo pero putangina! Sobrang sakit! Sobrang sakit lalo na ng iyong sabihin "Mahal kita pero...pero hanggang dito nalang ang kaya kong ibigay. Kung kaya ko lang sapatan ang pagmamahal na iyong ibinibigay pero hindi eh. Bitaw na."Bumitiw ka na. Sumuko ka na. Matagal na pala. At ako si Tanga, umaasang lahat ng ito ay isang masamang panaginip lamang.
Pero hindi. Umalis ka at naiwan ako kasama ang maliit na kahon na sana ang pangako ng ating bukas. Ngunit wala eh. Totoo ang lahat. Totoo ang luha, ang sakit.
At ang sakit na lamang ang siyang nagpapaalala sa akin sa bawat memurya ng lumipas na panahon. Pipilitin kong kalimutan ang luha, ang sakit, ang alaala. Pipilitin kong kalimutan ang iyong ngiti, ang iyong yakap at ang iyong halik. Pipilitin ko... Pipilitin kong kalimutan ang kahapon. Ngunit hindi ko kayang ipangako na kaya kong kalimutan ang pag-ibig na siyang nagturo sa akin ng saya at sakit. At hindi ko maipapangako na kaya kong itapon ang maliit na kahon, ang kahon na pangako sana ng ating bukas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento